Dear Best friend,

24 02 2017

Binusted mo ako, hindi ko tanggap. Hindi ko malaman kung bakit, niligawan naman kita. Ipinakita ko naman na gusto kita pero binusted mo parin ako. Ilang araw akong malungkot bago napagtanto na hindi ka nga para sa akin.

Oo nasaktan ako. Ang sakit

Salamat dahil simula pala iyon ng panibagong bahagi ng buhay ko. Iba ang itinakbo ng buhay ko simula nang sabihin mong ‘hindi’ noong tinanong kita kung “puwede ba kitang maging girlfriend”. Naging magkaibigan tayo. Sinikreto natin ang lahat ng bagay na alam natin sa isa’t isa.

Ilang taon na ang lumipas wala ni isa sa mga kakilala natin ang nakakaalam na niligawan pala kita. Walang nakakaalam na misan sa buhay natin naging seryoso ako sa iyo. Wala.

Oo nasaktan ako. Ang sakit pero wala na sa akin ‘yun.

Ang pagmamahal ko sa iyo hindi nawala iyon, kahit kaibigan na kita. Mahal parin kita kahit na kaibigan na kita at alam kong wala nang mas lalalim pa doon.

Oo nasaktan ako. Ang sakit pero wala na sa akin ‘yun. Isa ka pala sa tunay na kaibigan ko.

Mas masaya pala na kaibigan lang kita. Kahit na pakikisama mo lang okay na ako. Suportado parin natin ang bawat isa. Mula noon hindi na ako nagpakita ng motibo ulit.

Nakamove on na ako. Buti nalang binusted mo ako. Salamat. Nakilala ko girlfriend ko, minahal ko siya. Pagmamahal na dapat ibinigay ko sa iyo.  Kaibigan ka rin ng girlfriend ko. Suportado mo ako. Masaya ka pa para sa akin.

Kaso bakit ganun? Kung kailan masaya na ako, nakikita ko na parang mula noong sineryoso kita, wala nang sumeryoso sa iyo. Hindi ko maintindihan bakit ang hirap na mainlove ka. Hanggang sa ikinuwento mo sa akin ang lahat. Nagmahal ka na rin pala kaso ginago ka.

Sakit noh? Sabi ko pa naman sa sarili ko noon: “ayos lang ‘yan na hindi mo siya naging  girlfriend sana lang makahanap siya ng lalaki na makakapagbigay ng pagmamahal na naayon sa kanya.” Naiinis ako sa iyo.

Oo, sa iyo!

Bakit mo pa ba kasi ako pinakawalan? Mahal na mahal kita noon! Handa kong ibigay sa iyo lahat at ipadama sa iyo na ikaw ang pinakaswerteng babae sa mundo. Mahal kita noon ‘di ba? Sobrang mahal na mahal kita. Kahit na hindi nawala ang pagmamahal na iyon, hindi na katulad ng dati ang pagmamahal ko sa iyo ngayon. Kaya naiinis ako sa iyo.

Oo, sa iyo! Ang tanga-tanga mo kasi.

Magmamahal ka na ngalang sa paglalaruan ka pa. Magmamahal ka na ngalang sa kaibigan mo pa. Sa kaibigan ko pa. Kilalang-kilala mo na nga ang ugali pinatulan mo pa. Hindi rin kita maintindihan. Bakit? Inis na inis ako sa iyo.

Oo, sa iyo! Ang tanga-tanga mo kasi. Hindi mo siya deserved hoy!

Pasensya na, pero naiintindihan kita. Nagmahal ka lang. Akala mo kasi totoo. Alam ko ikaw talaga ang biktima rito. Pasensya na, sinisi kita.

Kasalanan ng minahal mo. Nagagalit ako sa kanya kahit kaibigan ko siya. Alam na nga niya vulnerability mo ginago ka parin. Isinabay ka sa ibang mga babae na ipinagsasabay-sabay niya. Sinasabi ko na nga ba, ginagawa ka lang na parte ng koleksyon niya.

Kung tutuusin sobrang swerte niya. Makukuha niya lahat ng gusto ko sa iyo noon. Ang swerte niya, ang swerte-swerte niya dahil magiging deserving siya ng pagmamahal mo. Kaya nang nalaman ko na ang gusto niya lang ay makauna sa iyo sinabihan na kita. Akala ko pa man din ‘yung pagmamahal na dapat ibibigay ko sa iyo kung napagbigyan mo lang ako maibibigay niya. Hanggang akala lang pala. Kaya pala hindi rin siya makatagal sa isang relasyon. Nakain na siya ng pagmamataas. Galit ako kasi mahal kita at gusto ko lang mahalin ka rin ng iba.

Nandito lang ako kahit na sinaktan mo ako noon. Nandito lang ako ngayong ikaw naman ang nasasaktan. Sana makayanan mo rin. Sana makahanap ka ng taong magmamahal sa iyo ng lubos. Sana dumating na siya. Sana.








%d bloggers like this: